Bahay-bakasyunan nina Chito Miranda at Neri Naig sa Cavite, bukas na para rentahan ng publiko!

May bagong negosyo na naman na binuksan ang mag-asawang Neri Naig at Chito Miranda. Kamakailan lamang, masayang ibinalita ng bokalista ng “Parokya ni Edgar” na bukas na sa publiko at pwede nang rentahan ang resthouse ng kanilang pamilya sa Alfonso, Cavite.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Noong 2020 pa ibinahagi ng mag-asawa na mayroon silang ipinapagawang resthouse na bukas din sa publiko.

Natapos na nga ang kanilang resthouse at pwede na itong rentahan ng mga magpamilya, magbarkada o hindi naman kaya ay pagdausan ng iba’t ibang okasyon.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Nagbigay naman ng virtual tour si Chito kung saan ay ipinakita niya sa publiko kung ano ang makikita sa kanilang resthouse.

“Gusto ko lang po i-share sa inyo yung laman ng aming resthouse, para makita [ninyo] kung anong meron, at kung ano ang mga pwede [ninyong] gawin if ever matripan nyo maki-stay at makibakasyon dito sa resthouse namin. Opo…pwede nyo na po i-rent starting this [February],” ani Chito sa kanyang Facebook post.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Ang “Miranda’s Resthouse” ay mayroong apat na kwarto. Ayon kay Chito, dalawa sa apat na silid ay mga ‘master room’ na maaaring mag-okupa ng dalawa hanggang apat na tao. Habang ang iba pang dalawang silid ay ‘barkada room’ naman na kasya ang apat hanggang anim na tao.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Maaari namang tumambay at magpalamig sa loob ng mga silid ang mga magpamilya o magkakaibigan dahil ang bawat silid ay may SMART TV na perpekto para sa panonood ng mga pelikula o palabas sa TV.

Bukod sa mga silid, ipinakita rin ni Chito ang ‘miniature olympic size’ na swimming pool ng kanilang resthouse.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Tiyak na mag-eenjoy naman ang mga chikiting sa treehouse at playground na ipinatayo ng mag-asawa para sa kanilang anak na si Miggy.

Pakiusap naman ni Chito sa mga batang maglalaro sa playground na sana ay ingatan umano ng mga ito ang mga laruan ng kanilang anak.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Masasabi mo talagang malawak ang ”Miranda’s Resthouse” sapagkat mayroon itong pavilion na maaaring pagdausan ng mga okasyon o party tulad ng kasal, binyag, debut, o tulad ng sinabi ni Chito, ‘kahit anong trip’ ng mga uupa sa halagang 30 libong piso lamang.

Para naman sa mga nagbabalak na rentahan ang resthouse nina Chito at Neri, maaaring isang kwarto lamang ang inyong rerentahan at pwede rin ninyong solohin ang buong resthouse.

Credit: Alfonso Miranda Jr. Facebook

Ani Chito, “Pwede kayo mag-rent ng isang room for P5,000, or pwede nyo din i-rent yung all 4 rooms for P20k para walang ibang guests kundi kayo, at para wala kayong kahati sa pool haha!…You could rent the entire place, including the pavilion/events place for P50k.”

Sa huli, pinakiusapan ni Chito ang mga mananatili sa kanilang resthouse na alagaan ang kanilang resthouse tulad ng kung paano nila ito inaalagaan.